Wednesday, 15 October 2014

Reaksyon ng bayan sa presyo ng bawang at bigas

MANILA, Philippines - Umapela ang Ma­lacañang sa taumbayan na magtiis-tiis muna sa mataas na presyo ng bigas, bawang at luya dahil wala silang magagawa para kontrolin ito bunsod nang idinidikta ng “market forces” ang halaga ng mga ito.
Ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr, tinututukan naman ng National Food Authority (NFA) ang presyo ng bigas na ang pagtaas ay dulot ng mababang supply at inaasahang magiging matatag ang supply kapag dumating ang inangkat sa ibang bansa sa susunod na dalawang buwan.
Sinabi pa ni Sec. Coloma, ang tumataas na halaga ng luya at bawang ay maaaring sa sitwasyon ng law of supply and demand o maaaring kulang ang mga produkto sa pamilihan sa pangangailan ng mga mamamayan. 
Walang binanggit si Coloma na ipatutupad na hakbang ang pamahalaan hinggil sa isyu at hinihintay pa aniya ng Malacañang ang ulat ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) kaugnay sa biglang pagtaas ng presyo ng mga nasabing pangunahing bilihin.
Samantala, pinagpapaliwanag ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares si Presidential Assistant on Food Security and Agri­cultural Modernization Francis “Kiko” Pangilinan sa mataas na presyo ng bigas sa bansa.
Ayon kay Colmenares, hindi katanggap-tanggap ang paliwanag ng National Food Authority (NFA) na normal ang pagtaas ng dalawang piso kada kilo ng bigas dahil lean months na ngayon.
DALAWA ang bosing sa Department of Agriculture, sina Secretary Francis Pangilinan at Proceso Alcala.
Kasama ang mga taga-Malakanyang, sinasabi ng mga ito na wala silang magagawa sa sobrang taas na presyo ng bawang at luya, kasama ang bigas.
Sila rin ang nagsasabi na mananatiling mataas ang presyo, lalo na ang sa bigas, hanggang Setyembre.
Palusot ng mga anak ng tipaklong na ito, talaga namang nagtataas ang presyo ng mga bilihin sa agrikultura sa lean months kung tawagin nila.
Isa pa, market forces o ‘yang batas ng supply and demand ang nagdidikta.
‘Yun bang kung marami ang bumibili at kakaunti ang suplay, mahal ang bilihin, at kung kakaunti ang bumibili at marami ang suplay, mura naman ang bilihin.
SOBRANG TAAS
Sabi ng DA, nasa P1-P2 lang ang itinaas sa presyo ng bigas na komersyal o ‘yung hindi bigas ng National Food Authority.
Pero sa paglilibot ng media, ang dating P36 na isang kilong bigas ay P46 na pala.
Ang dating P200 kada kilo na bawang ay P400 na rin. At ang dating P120 kada kilo na luya ay P200-P250 na rin.
Mukhang nagsisinungaling ang mga taga-DA at Palasyo.
Kung ‘di naman, nanaginip lang nang gising ang mga ito.
Wala sila sa gitna ng katotohanan sa buhay.
‘DI BALENG WALA
Para sa mga mamamayan, makakakain sila kahit na walang bawang at luya.
Ang mga manininda at biyahero naman ng mga produktong ito, kasama na ang bigas, ang nagugutom dahil sa sobrang tumal ng kanilang mga paninda.
Naririyan pa ang Bureau of Internal Revenue na naniningil ng mataas na buwis sa kanila.
Pwera pa ang mga mangongotong sa mga palengke at lansangan, lalo na ang mga pulis at traffic enforcer sa mga ibinibiyaheng luya, bawang at bigas.
HUWAG LANG BIGAS
Ibang usapan na ang sa bigas. Bigas kasi ang pangunahing tsibog ng mga Pinoy, mga Bro.
Bigas ang pinagmumulan ng lakas ng mga mamamayan at ito ang nagpapatagal sa kanila para tiisin ang gutom at hirap.
Basta may bigas, hindi bale nang asin o bagoong ang dyowang ulam dito, menos bawang at luya.
Hindi mapapalitan ang bigas ng ibang pagkain, kahit pa ng noodles.
Masarap ang noodles, pero madaling manghina sa trabaho ang mga obrero rito at hindi katulad ito ng bigas na ramdam na ramdam ng mga mamamayan na nakapagpapalakas ng katawan, kahit pa sa mga may mabibigat na obra.
3 BUWANG PAGTITIIS
Ang bawang at luya, baka matapos lang ang isang buwan, bababa na umano ang presyo ng mga ito.
Paano nga namang ‘di bababa kung walang bibili dahil sa sobrang mahal nga ang mga ito?
Pero sa bigas, sabi ng mga taga-DA at Malakanyang, aabot ang taas ng presyo hanggang Setyembre, ang buwang inaasahang magkakaroon ng ani sa nakararaming bahagi ng bansa.
‘Yan ay kung ‘di sasagasaan ng katulad nina bagyong Yolanda at Ondoy ang mga palayan.
Anak ng tokwa, matagal na pagtitiis, gutom at hirap ‘yang tatlong buwan sa milyon-milyong mamamayan.
Mabuti kung may suplay lagi na bigas ang NFA kahit saan.
Eh, nagkaka-“ubusan” lagi ang NFA rice.
Nagkakaubusan dahil maliit lang naman talaga ang suplay ng NFA.
Maliit na nga ang suplay, nagkakaroon pa ng mga dibersyon o korapsyon.
‘Yun bang inililipat ang mga bigas sa mga ibang tindahan mula sa mga accredited na bigasang-NFA saka tatatakan ang mga NFA rice ng pang-komersyal.
May mga rice trader ding bulto-bulto kung bumili ng NFA rice at pagbagsak sa merkado, commercial rice na ang mga bigas na ‘to.
TUNAY NA NFA RICE
Ang pag-asa na lang ng mga mahihirap na mamamayan ay ang tunay na NFA rice.
‘Yun bang tatlo o apat na beses mo na ngang hinugasan ay masangsang pa rin. At kung kinain mo naman ito, sisikmurain ka.
May mga aso pa ngang ayaw kumain ng NFA rice dahil nagsusuka rin ang mga ito makaraang makakain nito.
‘Yan ang tunay na NFA rice na alam ng mga mahihirap.
Milyones ang mahihirap at hindi iilang tao.
NFA rice ang ipinagmamalaki ng mga inutil sa NFA, DA at Palasyo na tulong sa mga mamamayan sa oras ng krisis sa bigas.
Pero alam ba ninyo na kailangang maghanap ang mga mamamayan ng NFA rice dahil mahirap ang maghagilap nito?
Sa mga barangay na malalayo sa bayan o puwesto ng may NFA rice, kailangan pang magtraysikel ang mga ito at mamasahe ng P20-P50 bago makabili.
Pero malimit na mas marami o kasingdami ng mga nakapila sa Land Bank na nakikinabang sa 4Ps ang mga nakapila sa pagbili ng NFA rice.
Kamalas-malasan ang mga tinatamaan ng patakaran na isang kilo lang ang pupwedeng bilhin ng isang mamimili. Hu-hu-hu!
INUTIL TALAGA
Alam na nga ng mga inutil sa DA, NFA at Malakanyang na number 1 na tsibog ang bigas, wala pa rin tayong nakikitang malawakan at matagalang programa para rito.
Nasaan, halimbawa, sa pambansang badyet ang malaking pondo para sa produksyon ng bigas?
Hanggang ngayon, nasa 1.5 milyong ektarya pa lang ang may irigasyon sa nasa 4 na milyong ektaryang palayan.
Nakatunganga rin ang mga ito sa napakabilis na kumbersyon ng mga palayan tungo sa mga subdibisyon, ibang pananim at pagkasira gaya ng sa mga dinaraanan ng mga minahan.
Consuelo de bobo rin lang ang mga ayuda ng pamahalaan tuwing may mga kalamidad na sumisira sa mga palayan.

Pawang kainutilan ang nagaganap.
Sources:
http://www.remate.ph/2014/06/inutil-sa-bigas-bawang-luya-di-bale-na-lang-2/
http://www.philstar.com/bansa/2014/06/17/1335540/sa-presyo-ng-bigas-bawang-just-tiis-malacanang

No comments:

Post a Comment